Statement during the Bagong Pilipinas Town hall Meeting on Traffic Concerns

NEDA Secretary Arsenio M. Balisacan 

April 10, 2024 

 

Sa ating Pangulo, Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., at sa lahat ng panauhin dito sa ating Town Hall Meeting, magandang umaga. 

Ayon sa ating Pangulo, hindi malulutas ang problema ng trapiko sa Metro Manila sa pamamagitan ng “piecemeal” o patse-patseng inisyatibo. Bagaman mabilis ang paglago ng ating ekonomiya, dumadami ang mga bumabiyahe para sa kanilang kabuhayan, sa pagpapatakbo ng ating mga industriya, at para na rin sa libangan at turismo – at kaya naman bumibigat ang daloy ng trapiko. Kailangan nating tingnan ang kabuuan ng ating mga sistemang pang-transportasyon at imprastruktura, pati na rin ang pag-unlad ng ating mga industriya, commercial centers, at maski ng ating mga residential areas. 

Binuo ng ating Pangulo, ng NEDA, at ng mga ahensiya ng pamahalaan ang Philippine Development Plan 2023-2028 upang maibalangkas ang komprehensibong istratehiya na tumutugon sa mga aspeto ng isyung ito. 

Pinapabilis natin ang konstruksyon ng mga “mass-transit infrastructure,” kagaya ng subway, railways, expressways at mga tulay sa Metro Manila at karatig-pook upang matugunan natin ang mga pangangailangan ng ating ekonomiya at kailangan ng ating kababayan. Kailangan ng maayos na pagpaplano na gumagabay sa pagtayo ng imprastraktura at ang epektibong pagsunod at pagpapatupad sa mga planong ito. Bukod dito, dapat ay matiyak natin na ang pag-unlad at pagdami ng oportunidad ay maramdaman hindi lamang dito sa NCR, kundi pati sa ating mga probinsya. 

Hinihikayat natin ang mga negosyante na mamumuhunan sa iba’t ibang mga lungsod sa labas ng Metro Manila. Sinusuportahan natin ang pag-unlad ng ng mga karatig probinsya: Bulacan, Cavite, Laguna, at Batangas at mga regional centers tulad ng Clark at Pampanga, Laoag, Metro Cebu, Metro Davao, Cagayan de Oro, Iloilo, Bacolod, General Santos City at iba pa. 

Pangalawa, kailangang lumawak ang naaabot at umangat ang kalidad ng mga serbisyong pampubliko. Kung ikaw ay nakatira sa probinsya, nararapat lamang na makatanggap ka ng dekalidad na serbisyo upang hindi mo na kailangang dumayo sa Manila para mag-aral, magpagamot, o kumuha ng dokumento mula sa mga tanggapan dito. 

Kasama rin sa ating istratehiya ang pagpapalakas ng ating digital connectivity. Ang internet ay nakapagbigay ng oportunidad para sa karagdagang kabuhayan at nakatulong sa ating mga negosyante sa pagbenta ng kanilang mga produkto saan man sila nakatira. 

Ang pagsasaayos sa problema ng trapiko ay hindi madali, at hindi ito magagawa ng iisang ahensya. Kailangan magtulungan ang mga national government agencies, local government units o LGUs, at mga miyembro ng pribadong sektor.

Sama-sama nating haharapin ang hamong ito, patungo sa Bagong Pilipinas at patungo sa maginhawang buhay para sa bawat Pilipino. 

Muli, maganda umaga sa inyong lahat. Maraming salamat po 

-END-